Breaking News

Pagkain mula sa Las Piñas City bibida sa 3rd Flavors of NCR Food Festival

Ibibida ng Las Piñas City ang iba’t ibang pagkain at kakanin na ipinagmamalaki ng lungsod sa ikatlong bugso ng Flavors of NCR Food Festival 2024 na gaganapin sa Filinvest City Central Park, Alabang Muntinlupa City bukas, Abril 19 at 20.

Ayon kay Las Piñas City Tourism and Cultural Office (LPCTCO) head Paul Ahljay San Miguel na magiging kinatawan ng lungsod para sa food festival ang Bea’s Home of Quality Kakanin and other Native Delicacies, Kainan ni Basty and Jacob, at Mhaneng’s Puto Bumbong na siguradong patok na patok sa panlasang Pinoy at babalik-balikan ng mga bisita at turista.

Ang aktibidad na ito na inorganisa ng Department of Tourism (DoT) at Association of Tourism Officers -National Capital Region (ATO-NCR) ay nagbibigay ng magagandang oportunidad sa pagtatampok ng masasarap na mga pagkain at sariling produkto mula sa 16 na lungsod at isang bayan sa Metro Manila na kinabibilangan ng mga lungsod ng Caloocan, Las Piñas, Makati, Malabon, Mandaluyong, Manila, Marikina, Muntinlupa, Navotas, Parañaque, Pasay, Pasig, Quezon, San Juan, Taguig, Valenzuela, at bayan ng Pateros.

Samantala, nagpaabot naman ng suporta si Mayor Mel Aguilar sa naturang food festival at hinihikayat ang publiko na tangkilikin ang mga masasarap na pagkaing Pinoy.

Binigyang-importansiya ni Mayor Aguilar ang kahalagahan ng magagandang hakbang ng lokal na pamahalaan upang pangalagaan ang mayamang kultura at tradisyon ng ating pamayanan na bahagi sa pagpapalakas ng ating turismo.

“Marapat na ating ipagmalaki at suportahan ang sarili nating mga produkto bilang tulong sa mga maliliit na negosyo hindi lamang dito sa Metro Manila,” sabi ng alkalde.

Ayon pa kay Mayor Aguilar ito ay simpleng paraan natin at kontribusyon sa pagpapalakas ng ekonomiya tungo sa ating kaunlaran kaya pagsumikapan nating lahat na panatilihin at pagyamanin ang ganitong mga tatak Pinoy. (Bhelle Gamboa)

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *