Breaking News

55 na pamilyang apektado ng sunog sa Las Piñas City hinatiran ng tulong ni VM Aguilar

Kasunod ng kanyang pagbisita upang alamin ang kalagayan at agarang pangangailangan ng mga biktima, kahapon pinangunahan ni Las Piñas City Vice Mayor April Aguilar ang pamamahagi ng tulong sa 55 na pamilya o 250 na indibiduwal na naapektuhan sa nangyaring sunog sa residential area sa BF Martinville Subdivision, Barangay Manuyo Dos nitong Lunes.

Ang ipinamahaging mga tulong ng lokal na pamahalaan ay ang food packs, dignity kits, sleeping kits, at hygiene kits bilang agarang tugon sa pangangailangan ng mga residenteng nawalan ng tirahan dahil sa sunog.

Kasalukuyang nanunuluyan ang mga apektadong pamilya sa Gatchalian Covered Court.

Sa isinagawang pamamahagi, kasama ni Vice Mayor Aguilar sina City Councilor Rex Riguera, Barangay Manuyo Dos Captain Mark Nery, Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) Officer-in-Charge Alejandro dela Merced, at City Health Office OIC Dr. Juliana Gonzalez.

Ang kanilang presensiya ay pagbibigay-diin sa pinagsama-samang hakbang ng lokal na pamahalaan para hatiran ng napapanahong suporta ang mga nasunugan.

Sumasalamin ang inisyatibang ito sa pangako ng Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas na mabilis na pagtugon at pagtulong sa panahon ng krisis o kagipitan, pagsiguro sa mga biktima na matatanggap nila hindi lamang ang mga pangunahing pangangailangan kundi mabigyan din sila ng moral na suporta at pag-asa upang malampasan ang mga hamon na dulot ng naturang sakuna.

Puspusan ang pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan sa mga apektadong komunidad para sa hakbang ng pagbangon at rehabilitasyon matapos ang insidente. (Bhelle Gamboa)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *